Tuesday, October 09, 2007

Subic Earth Day Festival

mural painting and junk art demo


nature trip
Subic Earth Day Festival Concert

What we left behind...


Monday, October 08, 2007

Si Ping at ang Paglilinis ng Luneta

DAKILA ka PILIPINAS (Part One)

Binati namin ang bukang liwayway sa Luneta. Madilim pa, bitbit na namin ang mga walis, pintura at eskoba. Sa gilid, naghihintay na rin ang crew ni Howie Severino. Makikiside trip kasama namin sa Luneta. Lupang Hinirang muna. Konting ritual. Konting Awit. Konting Sayaw. Ang sarap pakinggan ng sabay sabay na tugtog ng musika ng Kalumad at boses ni Bobby. Umpisa na ng paglilinis.

Noong umpisa, kami - kami lang - mga DAKILA at taga ROCKED. Hanggang, isa -isa nagdatingan. 'Yong manong taxi driver imbes ba magpahinga, bumaba sa mapa. Dumampot ng walis. Mamaya lang, si Dimple at Pol - mga marinong nakatambay sa Kalaw, dumampot ng eskoba. Tapos, dumating si Jeffrey Santos, si Blakdyak, si Bing at mga nursing students ng UP Manila. Dumagsa ang mga fine arts ng PWU.

Ayan si Dong Abay, Nagtext muna habang nagpapahinga.


Kahit umulan, tuloy pa rin ang paglilinis. Ang galing, dumami pa ang nagpunta. Dumating ang mga taga TUP, Letran, Lyceum, De La Salle, UP Diliman, at FEU. Pati mga kababayang tsinoy, mga bata ng Museo Pambata, ang Artist Association of the Philippines, at mga empleyado ng Instituto de Cervantes nakisali din.



Si Cooky, walang takot lumusong sa burak. Seryosong tinapos ubusin ang burak. Di man lang nabahiran ng putik ang paa. Nagpaulan kahit may gig pa sa gabi. Hataw talaga.

Parang di napapagod ang mga tao. Kanya-kanyang diskarte ng panglinis. Kanya-kanyang dala ng paint brushes at pintura. Walang libreng kain. Walang libreng inom. Kanya-Kanya pero masaya.

Walang artista. Walng Musikero. Walang Istudyante. Walang Drayber. Walang Marino. Walang mayaman. Walang mahirap. Lahat Pilipino.

Kasi, pagbaba mo sa mapa, pantay pantay kayo. Lahat may inaambag. Lahat may ginagawa. Lahat nagmamahal sa bayan mo.

Tumugtog ang banda ni Diether. Walang hiyaw. Walang celebrity treatment. Walang pakain. Konting musika para aliwin ang mga volunteers. Ito ang ambag niya.

Dumalaw ang Dictalicense. Nagbigay ng suporta. Whew!
Lalong ginanahan ang ating mga volunteers!


Salamat din kay Noel Cabangon, Isha, Alak pa, Chongkeys, Humble Sauce, Shave, Live Tilapia, Jeepney Joyride, Agaw Agimat, Updharmadown, Top Junk, Juan Isip, Philippine Violators, Isla de Lata, Cover me Quick, Kalumad, Typecast at lahat ng musikerong pumawi sa aming pagod at nagdulot ng saya.

Tatlong araw na paglilinis at pagpipinta. Sa wakas, natapos din. Pahinga muna. Malalim na ang gabi sa Luneta pero buhay pa ang paligid ng mapa. Umpisa na ng kasiyahan.


Ang dating tahimik na mapa, parang biglang nagkabuhay. Maingay. Maliwanag. Makulay. Punong-puno ng buhay.

800 na volunteers. 30 musikero at banda. 3 araw na paglilinis at pagpipinta.


Dakila ang Pilipinas. Dakila ang mga Pinoy.

Monday, September 24, 2007

Linisin ang Pilipinas - Ang Paghahanda

Noong simula, ideya lang. Linisin ang Pilipinas. Tapos, bigla na lang "Game!' daw. Excited lahat. Naku! Relief Map? 'Yong sa Luneta? Malaki 'yon di ba? Madumi 'yon di ba? Patay! Mapapasabak nga yata ang DAKILA para sa unang project niya. Kaya, ayan, hala! inspeksyunin ang mapa. Tsk. ..Tsk . . .Tsk . . . Madumi nga talaga sabi ni Buwi. Mas madumi dati sabi ni Ronnie. May nakuha pa nga kami mga kwintas, barya at kung anu-ano noon.

Apparently, parang Fountain of Trevi pala ng Pinas ang relief map. Bago pumunta sa ibang bansa ang ating mga OFWs, eh naghuhulog sila ng coins dito for good luck. Puno pala din ng kasaysayan itong relief map. Bukod sa pagiging mala - trevi fountain niya, dito hinuhulog ng mga isnatser ang kanilang nasnatch na gamit pagnagkahabulan na with the pulis. Kaya pala kung anu-anong "whatchamacallit" ang matatagpuan dito.
Naku! Madugo nga ang paglilinis na gagawin dito. Kaya naman, we implored our "powers" sa mga La Salle students to get them involved in the cleaning of the relief map. Sinuyod namin ang classrooms ng DLSU para lang mag-encourage ng volunteers for the clean up. Si Ronnie - mabenta sa mga prof at admin. Si Buwi mabilis macharm ang mga girls.

At si Tado, well, all ages, all sizes, all genders - kahit sino, kahit ano tumitili! Grabe ang star power! 'Yon nga lang minsan siya si Long sa mga pedicab driver sa kanto ng Estrada, Dagul sa mamang nagtitinda ng 'yosi pero Piolo naman sa mga girls ng La Salle.



Haaay. . . Malinis kaya namin ang Pilipinas? Kung mananatili itong marumi, kung papairalin ang katamaran, kung walang magkukusa, kung laging walang pakialam, sayang naman, Ang ganda pa naman ng Pilipinas!



Saturday, August 04, 2007

ang simula


Noong umpisa naisip lang namin magbuwis ng dugo kaysa magbayad ng dagdag na buwis (evat). Uso kasi noong panahon na 'yon ang evat kaya naisip namin walang masama kung irehistro namin ang protesta namin sa malablood compact na bloodletting. Kung baga, pag-aalay ng dugo para sa bayan. naks!

Parang katipunan ang drama. Pinoy na pinoy ang dating. Kung kasaysayan ito ng rebolusyon, ito malamang ang version namin ng initiation sa katipunan. Yon nga lang, konti lang pumasa sa strict red cross guidelines - no tattoo, body piercing, drugs, alcohol at puyat.

Marami ang nangahas. 'Yong iba, di lang talaga matake ang sight ng blood. May katulad ni BUWI na came in well prepared and physically fit pero di pa rin pumasa dahil nabunutan ng ngipin a few days before the event. hehe!

Kumpletos rekados. Lahat ng field ng arts, represented dito. Para ring freak show.

Parang justice league - pinoy style. Superheroes ang datingan. Lahat pwede maging hero. choose your own character. Pwede ka mag-imbento. Ang mahalaga may sarili kang advocacy. Ang importante may paniniwala ka at paninindigan. Ang esensya di ka bulag, pipi at bingi sa lipunang ito. Walang puwang ang manhid at walang pakialam.

Kasi, artist ka. May role ka sa mundo. Bahagi ka ng lipunang ginagalawan mo.

At sa totoo lang, may powers ka. Maibahagi ang kaalaman mo. Makialam sa takbo ng mundo. At higit sa lahat, magbigay inspirasyon sa marami pang katulad mo. Di mo kailangan magpakaSuperman o kahit si Darna pa yan. Di mo rin kailangan magpabaril sa Luneta o humawak ng armas. Di mo kailangan mag-OFW para maparangalang bagong bayani o magpakahard core sa pulitika. Simple lang ang requirements.

Pulutin mo man lang ang basura mo. Magbasa ng front page imbes na entertainment. Manood ng news imbes na telenovela. Kumibo pag may mali. Wag magkibit-balikat sa baluktot na sistema. Buhayin ang pag-asa. May magagawa ka pa.


Kaya nga ikaw, ako, lahat pwede maging DAKILA.