Monday, October 08, 2007

DAKILA ka PILIPINAS (Part One)

Binati namin ang bukang liwayway sa Luneta. Madilim pa, bitbit na namin ang mga walis, pintura at eskoba. Sa gilid, naghihintay na rin ang crew ni Howie Severino. Makikiside trip kasama namin sa Luneta. Lupang Hinirang muna. Konting ritual. Konting Awit. Konting Sayaw. Ang sarap pakinggan ng sabay sabay na tugtog ng musika ng Kalumad at boses ni Bobby. Umpisa na ng paglilinis.

Noong umpisa, kami - kami lang - mga DAKILA at taga ROCKED. Hanggang, isa -isa nagdatingan. 'Yong manong taxi driver imbes ba magpahinga, bumaba sa mapa. Dumampot ng walis. Mamaya lang, si Dimple at Pol - mga marinong nakatambay sa Kalaw, dumampot ng eskoba. Tapos, dumating si Jeffrey Santos, si Blakdyak, si Bing at mga nursing students ng UP Manila. Dumagsa ang mga fine arts ng PWU.

Ayan si Dong Abay, Nagtext muna habang nagpapahinga.


Kahit umulan, tuloy pa rin ang paglilinis. Ang galing, dumami pa ang nagpunta. Dumating ang mga taga TUP, Letran, Lyceum, De La Salle, UP Diliman, at FEU. Pati mga kababayang tsinoy, mga bata ng Museo Pambata, ang Artist Association of the Philippines, at mga empleyado ng Instituto de Cervantes nakisali din.



Si Cooky, walang takot lumusong sa burak. Seryosong tinapos ubusin ang burak. Di man lang nabahiran ng putik ang paa. Nagpaulan kahit may gig pa sa gabi. Hataw talaga.

Parang di napapagod ang mga tao. Kanya-kanyang diskarte ng panglinis. Kanya-kanyang dala ng paint brushes at pintura. Walang libreng kain. Walang libreng inom. Kanya-Kanya pero masaya.

Walang artista. Walng Musikero. Walang Istudyante. Walang Drayber. Walang Marino. Walang mayaman. Walang mahirap. Lahat Pilipino.

Kasi, pagbaba mo sa mapa, pantay pantay kayo. Lahat may inaambag. Lahat may ginagawa. Lahat nagmamahal sa bayan mo.

Tumugtog ang banda ni Diether. Walang hiyaw. Walang celebrity treatment. Walang pakain. Konting musika para aliwin ang mga volunteers. Ito ang ambag niya.

Dumalaw ang Dictalicense. Nagbigay ng suporta. Whew!
Lalong ginanahan ang ating mga volunteers!


Salamat din kay Noel Cabangon, Isha, Alak pa, Chongkeys, Humble Sauce, Shave, Live Tilapia, Jeepney Joyride, Agaw Agimat, Updharmadown, Top Junk, Juan Isip, Philippine Violators, Isla de Lata, Cover me Quick, Kalumad, Typecast at lahat ng musikerong pumawi sa aming pagod at nagdulot ng saya.

Tatlong araw na paglilinis at pagpipinta. Sa wakas, natapos din. Pahinga muna. Malalim na ang gabi sa Luneta pero buhay pa ang paligid ng mapa. Umpisa na ng kasiyahan.


Ang dating tahimik na mapa, parang biglang nagkabuhay. Maingay. Maliwanag. Makulay. Punong-puno ng buhay.

800 na volunteers. 30 musikero at banda. 3 araw na paglilinis at pagpipinta.


Dakila ang Pilipinas. Dakila ang mga Pinoy.

No comments: